Mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ang ginawang paggiba sa “ruins” o iyong mga haligi na makikita sa harapang bahagi ng Laylay Port sa barangay Laylay, Boac, Marinduque.
Kaya naman, kanina sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Boac ay nagpaabot ng talumpati si Councilor Bernadine Mercado. Narito ang kabuuan ng kanyang privilege speech:
“Mr . Presiding Officer, my dear colleagues I rise on a matter of personal and collective privilege to bring to the attention of this august body the public outcry regarding the demolition works being done on the ruins of Laylay Port.
Iba’t-ibang reaksyon po ang matutunghayan natin ngayon sa social media kaugnay ng isinasagawang paggiba ng istruktura ng Laylay Port mula sa mga ordinaryong mamamayan hanggang sa mga personalidad pangnasyonal na kilala sa pangangalaga ng kultura at kalinangan. Makapukaw pansin ang ilan sa mga komentaryo ng ating mga kababayan na para sa akin ay dapat pagtuunan ng pansin ng kabahayang ito upang matukoy kung may pagkakamali ngang nangyari sa paggiba nito, matukoy ang ahensiya o personalidad na nagkaroon ng pagkakamali kung meron man at malapatan ng kinakailangang lehislasyon kung kinakailangan.
Ginoong Tagapangulo, sa aking pananaliksik, ang nasabing istruktura ay ginawa lamang taong 1985 nang noon ay punong barangay ng Laylay na si Kapitana Natividad Leva. Ang orihinal na istruktura ay yari sa bubong at ito ay nasira ng bagyo. Hindi bahagi ng Laylay Port ang pavement na kung saan itinayo ang gusali sapagkat ito ay ginawa lamang noong dekada 90 kungsaan sarado na ang Laylay Port. Subalit, noong 2015, ito ay dineklara bilang isang historical landmark ng National Historical Commission of the Phillipines (NHCP). Sa bisa nito at ayon na rin sa opinyon ng ilan nating mga kababayan , ito ay saklaw na ng hurisdiksyon ng National Historical Institute na ngayon ay National Historical Commission of the Philippines. Batay sa mga sumusunod na probisyon ng Presidential Decree No. 1505 na may pamagat na, Amending Presidential Decree No. 260, as amended, by Prohibiting the Unauthorized Modification, Alteration, Repair and Destruction of Original Features of All National Shrines, Monuments, Landmarks and Other Important Historic Edifices. Section 5: It shall unlawfully for any person to modify, alter, repair or destroy the original features of any national shrine, monument, landmark and other important edifices declared and classified by the National Historical Institute as such without the prior written permission from the National Historical Institute. Any person who shall violate the decree shall, upon conviction, be punished by imprisonment for not less than one year nor more than five years or a fine of not less than one thousand pesos nor more than ten thousand pesos, or both, at the discretion of court or tribunal concerned.
Sa aking pagkakaalam ang ganitong usapin ay may kahalintulad sa isinasagawang heritage park sa harapan ng gusaling ito. Batid ko, na noong ang acting municipal engineer pa ay si Engr. Jojo Leva ay kanyang pinabalutan ng sakong asul ang Bantayog ng mga Nagtatanggol sa Inang Bayan sa gawing ibaba hangga’t hindi nakakukuha ng pagsang-ayon at pagpapatibay sa National Historical Commission of the Philippines.
Dahil dito , hinihiling ko po na ang usaping ito ay maitukoy sa nararapat na komite upang matugunan ang mga sumusunod na katanungan:
- Nagkaroon ba ng aksyon ang Municipal Engineering Office na sumulat sa National Historical Commission of the Philippines upang hingin ang kanilang pagsang-ayon sa demolisyon ng istruktura?
- Kung mayroon man, ano ang naging tugon ng NHCP sa kanilang liham?
- Kung wala, sino ang nag-utos na agaran itong ipagiba ng walang aksyon mula sa NHCP?
- Batid ba ng kinauukulang ahensiya na ang Laylay Port ay isa nang Historical Landmark at anumang gagawin dito ay kailangang ipaalam at sang-ayunan ng NHCP?
- Humiling ba ng “technical assistance” ang Municipal Engineering Office (MEO) sa NHCP upang gabayan sa demolisyon o retrofitting ng nasabing istruktura na maaring nagsalba dito?
- Ayon sa ilang kuro-kuro mula sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa National Museum at National Commission of Culture and the Arts na sina Pipo Nepomuceno at Mimi Santos kapag napatunayan ng NHCP na mayroong paglabag sa batas , maari itong ma “de-list” bilang historical landmark.
- Dahil dito, ano ang maaring gawin ng kabahayang ito sa pamamagitan ng lehislasyon upang maiwasan na mangyari ito?
- Dalangin ko rin po na sana kung magkakaroon ng pagdinig o pagpupulong ang komiteng pagtutukuyan nito, ay ganapin ito sa barangay Laylay upang makuha natin direkta mula sa lahat ng “stakeholders” ang kanilang opinion sa napakahalagang usaping ito.
Maraming salamat po.”
Photo courtesy of Seller Nolos