GASAN, Marinduque – Kumpleto ng naipamahagi sa mga kwalipikadong pamilyang benepisyaryo ang emergency subsidy mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa pinakahuling tala ng DSWD-Mimaropa, natanggap na sa bayan ng Gasan at Torrijos nang may halos 12,000 pamilya ang P5,000 halaga mula sa SAP.
Dagdag pa ng kagawaran, 77 porsiyento mula sa 4,083 pamilya ang nabigyan sa bayan ng Buenavista. Sa Santa Cruz ay 66 porsiyento mula sa 9,341 pamilya; 56 porsiyento mula sa 4,928 pamilya sa Mogpog; at 55 porsiyento mula sa 7,607 pamilya sa bayan ng Boac.
“Nasa 70 porsiyento na po ang nakatanggap ng social amelioration emergency assistance sa probinsya ng Marinduque. Bale 37,732 families na po ang nakatanggap mula sa 57,891 target number of non-4Ps families,” pahayag ni Chatty Decena, Information Officer ng DSWD Mimaropa.
Sa kabuuan ay mayroong 37,732 na kwalipikadong pamilya sa buong Marinduque ang napabilang sa Social Amelioration Program ng gobyerno at umabot sa P188 milyon ang pondong ipinagkaloob sa mga mahihirap o ‘low income earner’ na pamilya sa lalawigan.
Samantala, hanggang Mayo 10 lamang ang ibinigay na deadline ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) para tapusin ang pamamahagi ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)