TORRIJOS, Marinduque – Tumanggap ng parangal bilang ‘Gold Awardee’ ang lokal na pamahalaan ng Torrijos mula sa kauna-unahang ‘National Anti-Drug Abuse Council o ADAC Performance Award’ na isinagawa sa Manila Hotel, Maynila noong Disyembre 28, 2018.
Ito ay matapos na makuha ng nasabing bayan ang 100% score sa ADAC Performance Audit Calibration na isinagawa ng ADAC National Audit Team.
Sa 1,715 na probinsya ay tanging 241 local government unit (LGU) lamang ang nakakuha ng 85% hanggang 100% na score at 21 lamang dito ang nakakuha ng ‘perfect score’ na kinabibilangan ng bayan ng Torrijos.
Ayon sa Department of Interior and Local Government, “Ang bayan ng Torrijos, Marinduque ay dinarayo dahil sa kanyang angking natural na ganda at yaman. Isa ito sa mga idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isa sa pinaka-aktibong bayan na ‘drug cleared’ noong taong 2018”.
Ang Torrijos ang nag-iisa at kauna-unahang bayan na idineklara ng PDEA, Dangerous Drug Board at ng Philippine National Police na ‘drug cleared municipality’ sa buong rehiyon ng Mimaropa matapos ang seryosong kampanya nito kontra iligal na droga.
Bawat ‘gold awardees’ ay tumanggap ng marker, sertipiko ng pagkilala at ‘cash incentive’ na nagkakahalaga nang Php 250,000. – Marinduquenews.com