BUENAVISTA, Marinduque – Muntik nang mahulog sa bangin ang isang Toyota Vios sa barangay Yook, Buenavista nitong Lunes, Marso 25.
Sakay ng Toyota Vios ang isang drayber at apat na babaeng guro na pawang nagtuturo sa Yook National High School.
Sa panayam ng Marinduque News kay Melvin Vitto, officer-in-charge ng Buenavista Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), pauwi na umano ang mga biktima bandang alas 4:40 ng hapon habang binabagtas ng sasakyan ang pataas na bahagi ng Sitio Balikot ay namatay umano ang makina ng Toyota Vios na naging sanhi upang mataranta ang drayber kaya hindi nito nakontrol ang sasakyan at tuluyan ng dumausdos pababa.
“Self inflict incident ito. Sa pang-apat na pagtry na paandarin ng drayber ang sasakyan, hindi n’ya ito na-hand break, kaya mabilis na umurong pababa ang sasakyan na nagresulta upang tumilapon ito”, ani Vitto.
Mabuti na lamang umano at may mga kahoy sa lugar na nagsilbing pananggalang upang hindi dumiretso sa bangin ang sasakyan.
“Kapag matarik ay dobleng ingat po lalo na kapag estudyante o ‘student’ ang lisensya ng drayber, kailangang may kasamang ‘professional’ sa pagmamaneho”, paalala ni Vitto sa mga motorista.
Agad namang sumaklolo ang Buenavista-MDRRMO kasama ang Bureau of Fire Protection para dalhin sa bahay-pagamutan ang mga biktima.
Ligtas ang drayber at 4 na pasahero sa insidente. – Marinduquenews.com