Travel ban ipatutupad sa Marinduque

BOAC, Marinduque — Nakatakdang magpatupad ng suspensyon ng biyahe ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque simula bukas, Abril 14 na tatagal hanggang Abril 30.

Ito ang nakasaad sa Executive Order No. 013 na inilabas at nilagdaan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ngayong araw.

Ayon kay Velasco, hindi muna papayagan na makapasok sa lalawigan ang mga foreigner at domestic traveler gayundin ang mga non-authorized outside residence o non-APOR.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa naging rekomendasyon ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases matapos na isagawa ang pagpupulong noong Abril 8 kung saan ay nabatid ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Aniya, kailangang magpatupad ng mas mahigpit na mga alituntunin ang pamahalaang panlalawigan upang maiwasan ang karagdagang pagkalat ng COVID-19 variants at para mabigyan ng mas maraming oras ang provincial government na magdagdag ng mga isolation o quarantine facilities.

Samantala, pinapayagan at patuloy namang makapapasok sa Marinduque ang mga authorized person outside residence (APOR) kagaya ng mga opisyales at kawani ng pamahalaan, mga Overseas Filipino Worker (OFW) at returning non-OFW kasama na ang mga drayber at pahenante ng mga delivery truck at medical related service vehicle.

Ang mga nabanggit na APOR maliban sa mga empleyado ng gobyerno ay kinakailangang magpakita ng negatibong resulta ng antigen test habang ang mga OFW at ROF (returning overseas Filipino) ay dapat magpresenta ng negatibong resulta ng RT-PCR test bago makapasok sa lalawigan.

Sa pinakahuling ulat ng Provincial Health Office (PHO), pumalo na sa 335 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa probinsya habang 15 rito ang aktibo. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!