Marami ang natuwa at humangang netizen sa viral na video ng isang munting bata kung saan makikita at maririnig na inaalayan nito ng madamdaming tula ng pasasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte habang nakasukbit sa tagiliran nito ang isang mahabang itak.
Ang bata na tinaguriang munting makata ng bayan ay si Jay Alexis Fabrero, magwawalong taong gulang sa darating na Agosto 6 ay bunso sa pitong magkakapatid, isinilang at kasalukuyang naninirahan sa sitio Apartahan, barangay Tigwi, bayan ng Torrijos, Marinduque.
Kwento ng kapatid ni Alexis na si Sheryl sa Marinduque News, “May sukbit po siyang itak kasi natulong po siya kay tatay sa aming maliit na taniman ng mais at gulay sa bakanteng lote malapit sa aming tahanan.”
Ayon pa kay Sheryl, nasa ikatlong baitang sa elementarya si Alexis at consistent honor student. Sa katunayan, Best in English at Best in Mathematics ito. Mahusay umano talaga ito sa larangan ng monologue at bigkasan.
Hiling naman ni Sheryl na sana ay matupad ang wish ni Alexis na makamayan at mayakap ang pangulo ng Pilipinas. Dagdag pa nito, nawa ay mabigyan ng scholarship ang munting makata sapagkat hindi sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang para tustusan ang pag-aaral ng dalawa pa niyang nakababatang kapatid.
Narito ang nakaaantig na tula ni Alexis, alay sa pangulo na saktong sakto naman sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
“Magandang araw po, sa taga It’s Showtime
Lalo kay Ate Vice, sa inyong lahat diyan
Ako ay nagsadya, sa inyong harapan
Upang makiusap, ako ay payagan
Tula sa pangulo dito sa programa, kanyang mapakinggan.
Magandang araw po, kagalang-galangan
Mahal na pangulong, kapitag-pitagan
Sa sandaling ito, sa’yo po’y nagpupugay.
Ako po ay batang, taga Marinduque
Hinubog sa aral at gawang mabuti
May takot sa Diyos sa droga’y tumanggi
Bawal magpasaway, ng hindi magsisi.
Sa aking panonood, ng mga balita
Aking namamasdan, ang inyong mga mukha
Sa loob at labas, nitong ating bansa
Aking namamalas, ang inyo pong mga gawa.
Sa murang isip ko, akin pong nalaman
Kayo ang pangulong, mabait matapang
Puso’y maawain, laging mapagbigay
Sa lahat ng taong, nangangailangan.
Subali’t kung taong matigas ang ulo
Sa bayan ay pasaway, ayaw magbago
Lipulin ang salot, sakit ng gobyerno.
Ako po ay kampi, sa inyo ay panig
Alam kong tama lang, parusang ginamit
Kung hindi gagawin, kastigong makisig
Mas lalong darami, mga taong adik.
Para po sa akin, bilang isang bata
Sa aking paglaki, paligid ko’y payapa
Saan man magpunta, makisalamuha
Saan mang panig, sulok nitong bansa.
Kaya salamat po, sa pagmamalasakit
Lipulin ang salot, sa aming paligid
Kami ay mamuhay, ng walang ligalig
Puno ng pangarap, payapa’t tahimik.
Ako po ay mayroon, isang kahilingan
Na dapat idulog, sa inyong harapan
Bilang pagkilala, sa inyong tagumpay
Nais kong personal, kayong makamayan.
Kung mangyari iyon, sa’kin ay biyaya
Na dapat ipagbunyi, ng isip ko’t diwa
Itong Pilipinas ay malayang bansa
Lahat pantay pantay, may isang bandila.
Sa aking pagtanda, di ko lilimutin
Na isang pangulong, nagmulat sa akin
Akoy magtiwala, sa kanyang layunin
Siya’y inspirasyon, saan man makarating.
Kaya salamat po, ako’y pinakinggan
Binigyang pansin, tula kong inialay
Sa isang pangulong, dangal nitong bayan.
Salamat Ate Vice sa iyong kabaitan
Aking habilin, pusong nagmamahal
Ika’y mayakap, ng buong paggalang
Regalo mong tablet, aking iingatan.
Samantala umabot na sa 101,000+ ang nanood at 5,800+ naman ang nagshare ng video sa loob lamang ng apat na oras.
Ang Batang Makata ang Batang Achiever
Tulang napapanahon para sa Buwan ng Wikang Pambansa: Filipino Wikang Mapagbago
Editor’s Note: Dahil marami ang natuwa at humanga sa husay ng pagkakatula ng tinagurian nating “Munting Makata ng Bayan” ay umabot na sa 705,000+ o mahigit 1 milyon ang nanood at 27,964 naman ang nagshare ng video sa loob lamang ng 19 na oras.
Kaya naman mas lalo tayong hahanga sa kanyang bagong video na ito.
By the way, nalaman po namin na magdiriwang si Alexis ng kanyang kaarawan ngayong darating na August 6, tayo po ay mag-ambag ambag ng tagpipiso (Php1) para maibili natin siya ng hiling n’yang tablet, kahit ‘yong murahin laang o kaya ay kung may gamit (used) na po kayo na gusto n’yong idonate kay Alexis, ay malugod naming atanggapin para mairegalo natin sa kanya. Dili kaya ay magdonate gamit ang Paypal. Makipag-ugnayan lamang sa aming editorial staff, +63925-885-9578. Maraming salamat po.