BOAC, Marinduque – Nagsimula ng pumasok ang unang ‘batch’ ng mga gurong ‘scholar’ na kumukuha ng Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE) program sa Marinduque State College (MSC) noong Abril 30, 2018.
Sa bisa ng memorandum na inilabas ng Department of Education (DepEd) noong ika-6 ng Pebrero, isa ang MSC sa walong pamantasang nagbibigay ng GDCE sa buong bansa.
Ang Graduate Diploma in Cultural Education o GDCE ay isang ‘two-summer 24 unit program’ na maaring ituloy sa masteradong kurso sa piling paaralang itinalaga ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Ang GDCE ay nahahati sa dalawang antas na nagbibigay ng pundasyon at kaalaman upang mapahusay ang pang-unawa ng mga mag-aaral sa mahahalagang teorya, proseso at aplikasyon ng sining, kultura at pamana sa tinatawag na “culture-based teaching” na pangunahing kurikulum sa edukasyon.
Sa unang antas ay pag-aaralan ang Pedagogy of Cultural Education, Cultural Diversity and Languages of the Philippines, Re-view of Philippine History and Heritage at Local Cultural Mapping.
Samantala, sa ikalawang antas naman ay pag-aaralan ang Media-Based Cultural Documentation, Issues in Cultural Education at Development of Culture-Based Lesson Exemplars.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Ayon kay Dr. Randy Nobleza, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura at coordinator ng GDCE sa MSC, mayroong 29 na gurong nabigyan ng ‘scholarship’ sa GDCE. Labingwalo rito ay mula sa Marinduque National High School (MNHS) at MSC, 4 ang galing sa Mogpog Comprehensive High School (MCHS) at 3 sa Don Luis Hidalgo Memorial School (DLMS). Habang mapalad namang may tig-isa buhat sa Cawit National Comprehensive High School (CNCHS), Poras Elementary School (PES), San Isidro Elementary School (SIES) at Ipil National High School (INHS). Ang mga GDCE ‘teacher-scholars’ ay kumakatawan sa tatlong bayan ng Marinduque; pinakamarami sa Boac na may bilang na 23, apat sa Mogpog at dalawa sa Santa Cruz.
Ang mga GDCE ‘teacher-scholars’ ay dumaan sa ‘qualifying exam’ na ibinigay ng NCCA sa tulong ng DepEd-Mimaropa noong ika-23 ng Marso. Pagkatapos ay sumailalim sa panayam ang mga nakapasa sa MSC SoEd Graduate School noong ika-10 ng Abril. Kumuha rin ng admission test sa tulong ng MSC Admissions Office at Guidance and Testing Unit ng kolehiyo.
Ang ilan sa mga Philippine Cultural Education Program (PCEP) Institutional Intended Learning Outcomes (IILO) o mga kasanayan ng mga nagtapos ng GDCE ay inaasahang makapagpapamalas ng mga kaalaman sa kritikal at malikhaing pag-iisip, makalikha ng mga kagamitang pampagkatuto halaw sa sagisag-kultura, makagamit ng mga makabagong pagtuturo at makintal ang diwa ng pagkamakabayan at makabansa. -May kasamang ulat ni Romeo Mataac, Jr., Marinduquenews.com