GASAN, Marinduque – Mainit ang ginawang pagsalubong ng mga Marinduqueno sa unang ‘flight’ ng Cebu Pacific Air sa Marinduque Domestic Airport sa Masiga, Gasan nitong Lunes, Abril 1.
Pasado alas 4:58 ng hapon ng lumapag sa panlalawigang paliparan ang ATR-72-500 ng Cebu Pacific na may flight no. DG6007 sakay ang 72 pasahero.
Kwento ni Susan Nace, isa sa mga pasahero ng Cebu Pacific, “Noong inanunsyo na ng kapitan ng eroplano na lumapag na ang aming sinasakyan sa ating airport, nagsigawan at nagpalakpakan ang mga sakay ng Cebu Pacific, at talagang tuwang tuwa ang lahat, ramdam na ramdam ‘yong saya ng mga pasahero sa loob ng eroplano sapagkat ang tagal nating hinintay nito, and finally nagkatotoo na.”
Ilan sa mga personalidad na lulan ng Cebu Pacific Air sa unang lipad nito mula Maynila patungong Marinduque ay sina Ret. Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco, Jr. kasama ang kanyang maybahay na punong-bayan ng Torrijos na si Lorna; CAAP Deputy Director General Capt. Donald Mendoza; Boac Mayor Roberto Madla at mga bloggers na inimbitahan ng CebPac upang i-promote ang turismo ng probinsya.
Read also: Cebu Pacific commences new Manila-Marinduque route
Bago rito ay nagkaroon ng maikling programa sa Marinduque Domestic Airport na dinaluhan nina Atty. JR Mantaring – Vice President for Corporate Affairs ng Cebu Pacific, Rep. Lord Allan Jay Velasco, Department of Tourism Regional Director Danilo Intong, Marinduque Airport Manager Kerwin Laudit – Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Gov. Romulo Bacorro, Jr. at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Tatlong beses sa looban ng isang linggo ang magiging schedule ng biyahe at ito ay ang mga sumusunod:
Manila to Marinduque
Monday | 3:25 PM |
Wednesday | 6:00 AM |
Saturday | 5:45 AM |
Marinduque to Manila
Monday | 4:45 PM |
Wednesday | 8:45 AM |
Saturday | 8:45 AM |
Matatandaan na taong 2013 ng kanselahin ng Zest Airways ang kanilang operasyon sa probinsya. Tumagal nang halos anim na taon bago muling naibalik ang ‘commercial operation’ sa Marinduque Domestic Airport. – Marinduquenews.com