TORRIJOS, Marinduque — Nakapasok na ang mapaminsalang sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF) sa isang barangay sa bayan ng Torrijos, Marinduque.
Sa isinagawang press conference kamakailan, kinumpirma ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinary officer na nagpositibo ang mga blood sample na nakuha sa mga baboy mula sa Barangay Dampulan sa nasabing bayan.
Aniya, base sa inisyal na imbestigasyon ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo katuwang ang mga beterinaryo mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) ay napag-alaman na ang naging simula ng pagkakaroon ng kaso ng ASF sa naturang barangay ay dahil sa iligal na pagkakatay ng mga baboy sa mga hindi otorisadong pook-katayan o slaughter house.
Dagdag ni Victoria, pansamantala munang ipagbabawal ang paglalabas, pagbebenta at pagkakatay ng mga baboy mula sa mga barangay ng Dampulan, Makawayan at Tigwi.
Tiniyak naman ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. na gumagawa na ng paraan ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng pagsasailalim sa lockdown sa mga lugar na infected ng ASF kasama na ang mga karatig barangay para maisagawa ang disinfection gayundin ang posibleng tulong na maaring ibigay sa mga apektadong hog raisers.
Samantala, mahigpit nang binabantayan ang mga entry at exit points sa bayan ng Torrijos at Buenavista upang maiwasan ang posibleng pagkahawa ng ASF sa ibang lugar. — Marinduquenews.com