SANTA CRUZ, Marinduque – Nakatanggap ng uraro electrical grinder ang Mongpong Arrowroot Growers Association ng bayan ng Santa Cruz na ipinagkaloob sa kanila ng Department of Science and Technology (DOST).
Ang pagkakataon na mabiyayaan ang nasabing asosasyon ng electrical grinder ay isang hakbang ng DOST upang matulungan ang mga kasapi nito na makagawa ng kanilang produkto sa madali at mabilis na pamamaraan. Ang produkto na kanilang ginagawa mula sa uraro ay cookies na isa sa mga pangunahing produkto ng Marinduque.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Bukod pa sa uraro electric grinder ay nabigyan din ng solar energy system na makatutulong para maging tuloy-tuloy ang produksyon ng kanilang produkto.
Ibinigay ng DOST ang solar energy system sa barangay Mongpong sa kadahilanang ang unang pinagkukunan nila ng suplay ng kuryente ay mula sa generator at sinag ng araw.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng Mongpong Arrowroot Growers Association sa pangunguna ni Editha Napenas, pangulo ng asosasyon, at punong barangay Loreto Andrade sa naging ayuda ng DOST upang mapanatili nila ang paglago ng kanilang kita. –Marinduquenews.com