MANILA, Philippines – Hindi susundin ng House of Representatives Electoral Tribunal ang kautusan ng Korte Suprema na patalsikin na bilang kinatawan ng Marinduque sa Kamara si Congw. Regina Reyes.
Ayon kay Gabriel Rep. Luz Ilagan, miyembro ng HRET, 4-3 ang naging resulta ng botohan.
Ibig sabihin, pinagtitibay ng HRET ang kanilang kapangyarihan na sila lang ang may hurisdiksyon na humawak ng mga kasong may kaugnayan sa electoral case ng mga miyembro ng mababang kapulungan ng kongreso.
Dahil rito, ang susunod na proseso aniya ay ang pagtalakay sa merito ng kaso, ito ay kung American citizen ba si Reyes o hindi.
Dito aniya bibigyan ng pagkakataon si Reyes na maidepensa ang kanyang sarili laban sa mga akusasyon. Pagkakataon na rin ito ni Reyes para ipakita ang mga ebidensiya niya at ipagpatunay na siya ay isang Filipino citizen. Matatandaang hindi nabigyan si Congw. Reyes ng mga pagkakataong ito sa Comelec o kahit sa Supreme Court.
Ang basehan lang ng pag-disqualify kay Reyes ng Comelec ay isang blog sa internet at isang xerox copy lang ng isang pirasong dokumento mula sa Bureau of Immigration, na certified true copy. Hindi rin daw pinatawag sa hearing ng Comelec ang nag-blog sa internet, o nakapirma sa BID document upang tumestigo at magpatunay na katotohanan nga ang kanilang mga ebidensiya. Sa kaniya ngang “Dissenting Opinion,’ mismong si Chairman Sixto Brillantes ay nagsabing ang mga ebidensiya ay “double hearsay” lang.
Nagpasalamat naman si Reyes sa mga miyembro ng HRET na bumoto na itaguyod ang karapatan ng HRET na duminig ng kaso niya, sa harap ng pagpupumilit ng SC na masunod ang nauna ng desisyon nilang idisqualify na si Reyes.Pinasasalamatan din niya ang buong Kongreso, lalo pa si House Speaker Feliciano Belmonte sa mga suporta nito.
Matatandaang nanalo si Reyes ng mga 4,000 votes laban sa katunggali nito na si Lord Alan Velasco, anak ng kasalukuyang HRET Chairperson Associate Justice Presbitero Velasco ng Supreme Court.