MANILA, Philippines – Nagsalita na si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco kaugnay sa paglutang na naman ng kanyang pangalan sa isyu ng papalitan niya sa puwesto si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang isyung ito ay kaugnay sa nabunyag na P55 billion na budget insertion para sa mga kongresistang malalapit kay dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Lumutang ang balitang kapag aalisin si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ay may tatayo daw para i-mosyon na ideklarang bakante ang lahat ng posisyon kasama dito ang posisyon ni Speaker Arroyo.
Giit ni Velasco, wala aniyang katotohanan ito dahil suportado niya si SGMA simula nang maupo itong Speaker.
Aniya, nangyari na rin ang ganitong isyu na siya ang papalit na lider ng Kamara noong kumilos ang mga kongresista na alisin si Alvarez bilang Speaker.
Umapela si Velasco na tigilan na ang tsismis na ito dahil wala siyang hangarin na mapuwesto bilang Speaker ng Kamara at hindi siya ang nasa likod para i-challenge ang leadership ni Arroyo. -Source and courtesy of RMN.PH