BOAC, Marinduque — Lumipad patungong The Hague, Netherlands si Marinduque Vice Gov. Adeline Angeles kasama ang mga piling opisyal ng bansa para sa limang araw na ‘foreign study mission on local governance and innovation for local economic development’.
Ayon kay Angeles, malaking karangalan para sa kanya ang mapabilang sa naturang misyon na pinangungunahan ni Sen. Francis Tolentino kung saan sila ay mag-aaral at makakakuha ng kaalaman patungkol sa pandaigdigang pamahahala sa The Hague Academy for Local Governance.
“Para po sa akin, ang pamamahala o governance ay isang seryosong gawain kaya kapag nabibigyan ng oportunidad na magdagdag ng bagong karunungan, kasanayan at karanasan na maaaring makatulong sa akin para mapalago ang aking kakayahang makapaglingkod sa ating mga kababayan ay talagang aking pinahahalagahan sapagkat ito ay itinuturing kong malaking biyaya,” pahayag ng bise-gobernador.
Nagpasalamat din si Angeles kay Tolentino sapagkat sa pamamagitan ng Adaptive Governance and Innovation for Local Executives (AGILE) Program sa pakikipagtulungan ng Development Academy of the Philippines (DAP) ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na matuto ng maraming aspeto ng pamamahala sa ibang bansa.
“Sigurado po ako na ang mga matutunan ko rito ay makatutulong para makapagbalangkas ng mga polisiya at programa na mapakikinabangan ng ating probinsya at ng aming mga pinaglilingkuran,” pagtatapos na wika ng pangalawang punong panlalawigan.
Inilunsad noong 2021, ang AGILE Program ay naglalayong pahusayin ang mga kasanayan ng mga opisyal ng LGU na kinakailangan para makayanan ang mga hinihingi at hamon ng pamamahala sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila sa mga world-class public policy schools.
Ngayong taon, ang delegasyon ng AGILE Program sa The Hague ay binubuo ng 28 kalahok na bise gobernador, alkalde, bise alkalde, at mga kinatawan mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) at DAP. — Marinduquenews.com