TORRIJOS, Marinduque – Walang pasok sa trabaho maging sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Marinduque ngayong darating na Biyernes, Setyembre 13 sapagkat ipagdiriwang ng probinsiya ang ika-119 na taong paggunita sa makasaysayang Labanan sa Pulang Lupa na may paksang “Giting at Tapang ng Marinduqueno: Susi sa Tunay na Kaunlaran at Pagbabago”.
Ang Republic Act No. 6702 na nilagdaan noong Pebrero 10, 1989 ay nagdedeklara na special non-working holiday sa buong Marinduque tuwing ika-13 ng Setyembre ng bawat taon.
Base sa kautusan, kinikilala ng pamahalaan ang pagkapanalo ng mga kawal Pilipino sa Labanan ng Pulang Lupa na itinuturing na isa sa mga bakbakan kung saan namayani ang mga kawal Pilipino sa higit na armadong mga tropang Amerikano.
“Every September thirteen is hereby declared as Battle of Pulang Lupa Day and a special non-working holiday in the Province of Marinduque to commemorate the battle of Pulang Lupa”, ayon sa batas.
Gaganapin ang paggunitang palatuntunan sa Pulang Lupa Historical Park, Barangay Bolo, Torrijos. Ito ay pasisimulan sa pamamagitan ng Misa Pasasalamat sa ganap na ika-7:00 ng umaga na pangungunahan ni Rev. Fr. Elino Esplana, Vice Vicar General ng Diocese ng Boac.
Susundan ito ng 21 Gun Salute na pangungunahan ni Police Colonel Cresenciano Landicho kasama ang Marinduque Police Provincial Office at pag-aalay ng mga bulaklak para sa mga bayani ng Pulang Lupa.
Panauhing pandangal sa okasyon si Department of Environment and Natural Resources Sec. Roy Cimatu.
Kabilang sa mga inaasahang makikiisa sa paggunita ay sina Cong. Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr., Vice Gov. Romulo Bacorro, Jr., at mga alkalde ng anim na bayan. – Marinduquenews.com