Walang pasok sa trabaho at sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Marinduque ngayong darating na Miyerkules, Setyembre 13 hindi dahil sa bagyong Maring o Lannie bagkus ay sa dahilang ipagdiriwang ng probinsiya ang ika-117 na taong paggunita sa makasaysayang Labanan sa Pulang Lupa na may paksang “Hamon ng Labanan sa Pulang Lupa sa Makabagong Panahon: Kurapsyon at Droga ay Iwasan, Kapaligiran ay Pangalagaan, Tungo sa Mapayapa at Maunlad na Bayan”.
Ang Republic Act No. 6702 na nilagdaan noong Pebrero 10, 1989 ay nagdedeklara na special non-working holiday sa buong Marinduque tuwing ika-13 ng Setyembre ng bawat taon.
Base sa kautusan, kinikilala ng pamahalaan ang pagkapanalo ng mga kawal Pilipino sa Labanan ng Pulang Lupa na itinuturing na isa sa mga bakbakan kung saan namayani ang mga kawal Pilipino sa higit na armadong mga tropang Amerikano.
“Every September thirteen is hereby declared as Battle of Pulang Lupa Day and a special non-working holiday in the Province of Marinduque to commemorate the battle of Pulang Lupa”, ayon sa batas.
Read also: #WalangPasok: Hulyo 31, special non-working holiday sa Marinduque
Gaganapin ang paggunitang palatuntunan sa bulwagang pambayan ng Torrijos, barangay Poblacion. Ito ay pasisimulan sa pamamagitan ng Misa Pasasalamat sa ganap na ika-7:00 ng umaga, kung saan ang pangunahing tagapagdiwang ay ang kanyang kabunyian, Marcelino Antonio M. Maralit, Jr., Obispo ng Boac.
Susundan ito ng 21 Gun Salute na pangungunahan ni Police Inspector Mikhail Gennadi Valeroso kasama ang Torrijos Municipal Police Station-PNP Torrijos at pag-aalay ng mga bulaklak para sa mga bayani ng Pulang Lupa.
Panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Supreme Court Associate Justice Presbitero Jose Velasco, Jr.
Kabilang sa mga inaasahang makikiisa sa paggunita ay sina Gov. Carmencita Reyes, Vice Gov. Romulo Bacorro, Jr., Police Senior Superintendent Thomas Frias, Jr., at mga alkalde ng lalawigan.
Narito ang kabuuan ng programa.