BOAC, Marinduque — Matagumpay na isinagawa kahapon, Oktubre 16 sa Camp Col. Maximo Abad sa Boac, Marinduque ang Multi-Sectoral Peace Assembly para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Ang gawain na inorganisa ng Marinduque Police Provincial Office sa pangunguna ni Police Colonel Christopher D. Melchor, provincial director ng MPPO ay may layuning pagsama-samahin ang bawat organisasyon at grupo na may mahalagang gampanin sa darating na halalan.
“Ngayon po ay ating nasaksihan ang isang interfaith prayer at signing of pledges of committment na nagpapakita ng hangarin ng bawat sektor na magkaroon ng isang mapayapa, tapat at malinis na eleksyon dito sa ating probinsya,” pahayag ni Melchor.
Sinabi rin ng hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa Marinduque na sa nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong Mayo 14, 2018 at sa mga nakalipas na National at Midterm Elections ay nakapagtala ng zero election related incident ang lalawigan kaya hangad ng kanilang ahensya na makamit ang kaparehong resulta sa nalalapit na halalan.
Ipinabatid naman ni Atty. Angela Kristine Royandoyan, provincial election supervisor ng Commission on Elections (Comelec)-Marinduque at tumayo ring guest speaker sa naturang gawain na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng bawat sektor lalo na ng PNP sa pagsiguro ng mapayapa at maayos na halalan.
“Ang halalan ay ang buhay ng ating demokrasya. Kinakatawan nito ang ating mga pangako sa taumbayan na panatilihing patas, makatarungan at tapat ang darating na botohan. Dapat nating kilalanin na ito ay hindi lamang pagsisikap ng Comelec bagkus ay sama-samang pagtutulungan ng mga stakeholder sa halalan kasama ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, Department of Education, Philippine Coast Guard, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, religious group, media at iba pang organisasyon,” wika ni Royandoyan.
Sa pagtatapos ng programa ay pinalipad ang mga kalapati na sumisimbolo sa pakikiisa ng lahat ng ahensya upang matiyak na maging sagrado ang BSKE 2023 dahil anila ang bawat boto ng mamamayan ay boses ng sambayanan. — Marinduquenews.com