BOAC, Marinduque — Tumanggap ng livelihood assistance kamakailan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang tatlong solo parents sa bayan ng Boac, Marinduque.
Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay nabiyayaan ang bawat benepisyaryo ng isang yunit nang gas type industrial/bakery oven na may kasamang apat na tray, electric hand mixer at stainless bowl na may kabuuang halaga na P109,200.
Kabilang sa mga nabigyan ng tulong pangkabuhayan ay si Marites Mapacpac, 41 taong gulang at ina ng isang batang manggagawa kung saan ay labis-labis ang kanyang naging pasasalamat sa ahensya dahil sa mga kagamitang natanggap.
“Nagpapasalamat po ako ng marami at may dagdag puhunan akong natanggap mula sa DOLE. Makatutulong po ito ng malaki sa akin dahil isa po akong solo parent. Pagbubutihin ko po ang aking negosyo para makatulong sa pag-aaral ng aking mga anak,” pahayag ni Mapacpac.
Lubos din ang kagalakan ni Zhyne Togonon sapagkat naging kabahagi s’ya ng programa kung saan ay kanyang sinabi na, “Bilang solo parent, malaki po talaga ang magiging tulong nito para sa pag-aaral ng aking mga anak. Magpo-focus din po ako more on social marketing para lalong lumago ang aking negosyo kasi ganoon po halos lahat ng young entrepreneurs ngayon.”
Sa pamamagitan ng DILP, layon ng DOLE na mabigyan ng livelihood assistance ang mga solo parents at magulang ng mga child laborer upang magkaroon ng sapat na mapagkukunan para sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak. Inaasahan din ng ahensya na mabawasan ang bilang ng kaso ng mga batang manggagawa sa bansa. — Marinduquenews.com