BUENAVISTA, Marinduque – Sugatan ang isang lalaki matapos bumangga ang sinasakyan nitong motorsiklo sa delivery truck sa barangay Malbog, Buenavista nitong hapon ng Martes, Mayo 28.
Kinilala ng Buenavista Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima na si Jonito Reanzares, drayber ng motorsiklo, taga Malibago, Torrijos.
Pauwi mula sa pamiyesta sa barangay Malbog si Jonito nang makabanggaan ang kasalubong na delivery truck ng Jack and Jill.
Ayon sa panayam ng Marinduque News kay Melvin Vitto, head ng Buenavista MDRRMO, “Ang nangyari, iniwasan ni Jonito ang isang bata kaya kumaliwa ito ng kaunti na naging sanhi upang bumangga ang motorsiklo sa delivery truck”.
Sa kalasingan ay hindi namalayan ng biktima na tumilapon na ito habang naipit naman ng delivery truck ang minamaneho nitong motorsiklo.
Walang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Nasa kustodiya ng Buenavista Municipal Police Station ang drayber ng delivery truck habang pinayuhan naman ang biktima na sumailalim sa CT scan upang masigurong ligtas ang kondisyon nito.
Nanawagan naman si Vitto sa mga kapulisan na magsagawa ng check point sa tuwing may piyesta sa isang barangay.
“Pakiusap natin sa ating mga kasamahang lingkod bayan, sa mga pulis at LTO, mas maganda na preventive tayo dahil alam naman natin na kapag piyesta ay maraming nag-iinom. Magsangkap na rin ng check point upang mapayuhan ang mga motorista na huwag magbiyahe kapag nakainom”, ani Vitto. – Marinduquenews.com