SANTA CRUZ, Marinduque – Arestado ang 10 mangingisda kasama na ang isang 74 year old na lolo matapos ang isinagawang operasyon laban sa iligal na pangingisda ng mga otoridad sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.
Kinilala ni Police Superintendent Imelda V. Tolentino, Public Information Office chief ng Police Regional Office-Mimaropa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), ang mga nadakip na sina Danilo R. Estrella, 53; Reynaldo P. Cadalin, 49; Efren P. Rosales, 38; Romulo D. Pastoral, 43; Leopoldo G. Palmero, 74; Francisco R. Estrella, 52; Nicolas P. Recto, 58; Felix R. Valenzuela, 40; Leonardo P. Mercado, 35; at Gregorio P. Regio, 54, pawang mangingisda at naninirahan sa Barangay Suha, Torrijos, Marinduque.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Base sa imbestigasyon, nagpapatrolya ang Santa Cruz Municipal Police Station sa karagatang sakop ng bayan ng Santa Cruz nitong Enero 24, pasado alas 6:00 ng umaga ng maaktuhan ang grupo ng mangingisda sakay ng ‘commercial fishing boat’ na F/B Sheilannie may 2.5 kilometro ang layo mula sa baybayin ng isla ng Salamague.
Ang mga mangingisda ay gumagamit ng ‘active fishing gear’ at ‘commercial fishing vessel’ na may 2.72 gross tonnage na ipinagbabawal sa ilalim ng section 19, paragraph 3 ng Municipal Ordinance No. 43 na naipasa noong 2002. Nakumpiska sa mga ito ang 20 kilo ng iba’t ibang uri ng isda.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito. – Marinduquenews.com