MOGPOG, Marinduque — Umabot sa 114 na senior high school (SHS) students sa bayan ng Mogpog ang dumalo kamakailan sa isinagawang Labor Education for Graduating Students (LEGS) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Marinduque Academy, Inc.
Sa nasabing gawain ay inilahad ni DOLE-Marinduque Assistant Labor Inspector Raymart Narzoles ang pangkalahatang pamantayan sa paggawa, gayundin ang mga pangunahing batas at regulasyon sa pagta-trabaho sa bansa.
Naging kapaki-pakinabang para sa mga dumalo ang LEGS program sapagkat natutunan nila ang mga pangunahing karapatan ng isang manggagawa kabilang na ang tamang seguridad at kaligtasan sa loob ng pook gawaan na dapat ay binibigyang halaga ng bawat employer.
Nagpasalamat naman ang punong guro ng paaralan na si Edna Carina Molbog sapagkat pinaunlakan ng DOLE ang paanyaya na maging kabahagi ng kanilang Annual Career Guidance for Graduating Senior High School.
Samantala, ibinahagi ng mag-aaral na si Cyrine Jane Lampas, kumukuha ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) Strand ang kanyang karanasan sa pagdalo sa naturang seminar.
“Marami po akong natutunan katulad sa pag-compute ng overtime pay ng isang worker, especially po ang minimum wage na dapat sahurin. Kapag may trabaho na po ako, makakatulong ito para alam ko ang aking karapatan bilang empleyado,” pahayag ni Lampas.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Gweneth Forio na isang mag-aaral ng Science Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) Strand dahil naging bahagi siya ng programa na tiyak umanong makatutulong sa kanyang pag-aapply ng trabaho oras na makapagtapos siya ng pag-aaral.
Ang LEGS ay nagsisilbing gabay ng mga estudyanteng magtatapos ng sekondarya at kolehiyo para maihanda sila sa pagpasok sa mundo ng pagtatrabaho o corporate world. — Marinduquenews.com