TORRIJOS, Marinduque — Sumailalim sa isang malawakang oryentasyon ang mga benepisyaryo para sa ika-pitong batch ng programang Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD sa lalawigan ng Marinduque.
Sa pagtataya ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Marinduque aabot sa 1,886 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo na dumalo sa gawain kung saan 861 ang nagmula sa bayan ng Mogpog, 433 sa Gasan habang 592 naman ang galing sa Torrijos.
“Sabay-sabay po natin silang binigyan ng kaalaman sa mga alituntunin ng programa pati na rin ang mga inaasahang tulong at kabayaran na makukuha sa pagtatapos ng kanilang pagtatrabaho,” pahayag ni Provincial Director Philip Alano.
Marso ngayong taon nang igawad ng DOLE sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang pondo para sa nasabing programa na nagkakahalaga ng P174,919,150 na makapagbibigay ng trabaho sa 49,273 benepisyaryo sa buong probinsya.
Kabahagi ng DOLE ang Marinduque Provincial Government, Livelihood Manpower Development and Public Employment Service Office (LMD-PESO) at Tanggapan ni Congressman Lord Allan Jay Velasco sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Samantala, nakatakdang isagawa ang oryentasyon sa mga natitira pang benepisyaryo mula sa Boac, Buenavista at Santa Cruz ngayong buwan ng Nobyembre. — Marinduquenews.com