Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lalawigan ng Marinduque, naipakita ng mga mag-aaral mula elementarya ang naipamanang talento sa pagtugtog ng kalutang ni Maestro Tirso Sardena.
Bawat pangkat ay nagtanghal ng pagtugtog ng instrumentong kalutang kasama ang kanilang tagapagsanay. Habang suot ang kanilang makukulay na kasuotang kamiso tsino at baro’t saya, tinugtog ng lahat ng kalahok mula sa mga bayan ng Torrijos, Sta. Cruz, Mogpog, Gasan, Boac at Buenavista ang mga piyesang Leron-leron Sinta, Sitsiritsit at isang piling-kanta na nais nilang iparinig.
Itinanghal na kampyon ng mga hurado ang Gasan Central School na nag-uwi ng P20,000 at tropeyo. Pumangalawa naman ang mga mag-aaral mula sa bayan ng Boac na nakatanggap ng P15,000 at pumangatlo ang Mogpog na nagkamit ng P10,000. Bukod dito ay nagtamo rin ng P5, 000.00 ang ilang lumahok bilang consolation prize.
Ipinabatid naman ni Gob. Carmencita O. Reyes ang kanyang kagalakan sa pagbubukas ng kauna-unahang pagdiriwang na ito. Lubos din ang kaniyang pasasalamat sa Department of Education (DepEd) Division of Marinduque sa pamumuno ni Dr. Carlito Matibag dahil sa kanilang pakikipagtulungan upang buhayin muli ang pagtugtog ng kalutang.
“Wala pong wikang makapaglalarawan, nag-uumapaw ang kasiyahan ng inyong nanay na bago ako lumisan sa politika, nakikita ko na maiiwan ko na siguro at lalong-lalo na itong ginagawa ng DepEd na ang mga bata ang siyang tinuturuan at magkakaroon ng kompetensya. Ako ngayon ay makakagarantiya na hindi mawawala itong kulturang ito sa atin”, sabi ni Reyes.
Batid naman ni Matibag, isang karangalan para sa DepEd Marinduque na makabahagi sa pagdaraos ng anibersaryo ng kasarinlan ng lalawigan. Ayon sa kanya, tinitiyak niya na bago siya magretiro ay magkakaroon pa rin sa mga susunod na taon ng kompetisyon sa pagtugtog ng kalutang hindi lamang para sa elementarya kundi kasama na rin ang mataas na paaralan at mga guro sa patimpalak.
Sa panayam naman ng Marinduque News kay Ricardo Asuncion, officer-in-charge ng DOT Marinduque, sinabi nito “It was beyond expectation kasi matagal na naming dream ito, we’ve been trying to do this for a year since bumalik ako sa capitol and finally this is a dream come true and hopefully this first Kalutang Festival will just be the start and we hope that it will go on even bigger in the next coming years”.
Isinagawa ang Kalutang Festival na ito upang mas pagyamanin ng mga Marinduqueno ang tradisyong nagmula sa bayan ng Gasan na pinangangambahang mawala sa lalawigan.