FILE PHOTO: Larawang kuha ni Romeo Mataac, Jr./PIA-Marinduque
BOAC, Marinduque – Dalawang medical frontliner ang naitala ngayong araw sa bayan ng Boac matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinumpirma ni Dr. Gerardo Caballes, Provincial Health Officer na ang dalawang bagong kaso ng COVID-19 ay parehong nagta-trabaho sa Department of Health (DOH)-Marinduque.
Aniya, si Patient No. 14, ay isang lalaki, 48 taong gulang, at nakatira sa Barangay Balaring samantalang si Patient No. 15 ay isang babae 32 anyos at mula naman sa Barangay Laylay.
Ayon pa kay Dr. Caballes, ang dalawang bagong pasyente ay walang ‘travel history’ at hindi nalantad o na-expose sa isang kumpirmadong ‘COVID-19 patient’.
Kasalukuyan ang mga itong naka-home quarantine at asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas ng sakit.
Ipinaliwanag naman ng provincial health officer ang dahilan kung bakit isinailalim sa real-time reverse transcription polymerase chain o RT-PCR test ang mga nabanggit na indibidwal gayong asymptomatic ang mga ito.
“Mga health care workers po ang ating dalawang bagong pasyente ng COVID-19. Bahagi po ng protocols ng DOH at PHO na isailalim sa RT-PCR test ang ating mga frontliners”, pahayag ni Caballes.
Isinasagawa na ang contact tracing sa mga direktang nakasalamuha ng dalawang pasyente. – Marinduquenews.com