SANTA CRUZ, Marinduque – Ang isla ng Maniwaya sa bayan ng Santa Cruz ay tumatamasa na ngayon ng 24/7 na serbisyo ng kuryente sa tulong ng Marinduque Electric Cooperative (Marelco) sa ilalim ng Barangay Line Enhancement Program ng National Electrification Administration (NEA).
Ayon kay Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco, “Natutuwa po ako at noong Sabado ay nagkaroon tayo ng ‘switch-on ceremony’ sa Barangay Maniwaya sapagkat nailatag na po ang submarine cable mula sa Barangay Polo”.
“Ito ay isang hakbang para sa pagpapaunlad ng isla upang mas makaakit po tayo ng mga investors at mga turista”, dagdag ni Velasco.
Sa panayam naman ng Marinduque News kay Engr. Gaudencio Sol, Jr., general manager ng Marelco, sinabi nito na ang proyekto ay makatutulong ng malaki sa mga taga-Maniwaya, sa mga mag-aaral lalo’t higit sa mga negosyante.
“Dati po ay pangarap lamang namin ito at sa awa po ng Diyos ay nakita ng NEA na maayos naman ang aming isinumiteng ‘project proposal’. Sa tulong rin po ng ating congressman na magfollow up ng budget, ay ito na po mabilis nating naisakatuparan ang paglalagay ng submarine cable mula sa Barangay Alobo hanggang sa isla ng Polo, tapos ngayon naman po ay mula Polo hanggang isla ng Maniwaya”.
Magugunita na noong Pebrero 9, 2018 ay una ng napailawan ang isla ng Polo sa pamamagitan ng submarine cable na konektado sa ‘main grid’ ng probinsya.
Ang submarine cable na nagmula sa Barangay Alobo hanggang isla ng Polo ay may habang humigit kumulang sa 2 kilometro samantalang ang submarine cable na inilagay mula sa isla ng Polo patungong isla ng Maniwaya ay may 3 kilometro naman ang haba.
Isang makasaysayang momento sa buhay ng mga taga-Maniwaya ang araw ng Pebrero 9, 2019 sapagkat ang dating 8 oras lamang na serbisyo ng kuryente sa kanilang isla ay naging 24 oras na. –
“Lubos-lubos po ang pasasalamat namin kay Cong. Velasco sapagkat kung hindi po dahil sa kanya ay hindi po mangyayari ang ganitong proyekto. Hindi po namin sukat akalain na maisasakatuparan ito ng ganito kabilis”, pahayag ni John Ryan Retardo, kapitan ng Barangay Maniwaya.
Ang isla ng Maniwaya ay may 400 kabahayan na makikinabang sa programang ito at inaasahan din na makatutulong ito sa paglago ng kabuhayan partikular sa industriya ng turismo lalo pa at kinikilala ngayon ang lugar na paboritong pasyalan ng mga turista. – Marinduquenews.com