BUENAVISTA, Marinduque — Umabot sa 2,588 na pamilya sa probinsya ng Marinduque na nasalanta ng bagyong Paeng ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa National Housing Authority (NHA).
Ang pondo na ipanamahagi ay mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)-Office of Civil Defense (OCD),
Ayon kay Governor Presbitero Velasco, Jr., sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA ay napagkalooban ang bawat mga apektadong pamilya ng P5,000 at P7,000 habang ang iba ay nakatanggap ng P10,000, kung saan ay nakadepende aniya sa laki ng pinsalang naidulot sa mga benepisyaryo ang halaga ng ibinigay na cash assistance.
“Nangako rin po ang Office of Civil Defense ng mga proyekto na makatutulong para sa ikabubuti ng kalikasan gayundin para makaiwas ang mga mamamayan sa iba’t ibang uri ng kalamidad,” payahag ng gobernador.
Una nang napagkalooban ng tulong pinansyal ang nasa 400 na pamilya sa bayan ng Santa Cruz at Torrijos, higit 400 benepisyaryo rin ang nabigyan ng ayuda sa Buenavista, habang inaasahan namang ipamamahagi sa darating na araw ang nakalaang pondo para sa mga bayan ng Boac, Gasan at Mogpog.
Sa pamamagitan ng NHA, nilalayon ng EHAP na makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo na naapektuhan ng kalamidad kagaya ng bagyo at baha o ilang partikular na insidente. — Marinduquenews.com