QUEZON CITY, Metro Manila – Inaprubahan ng House Committee on Tourism ang tatlong mga batas tungkol sa ecotourism na pinanukala ni Marinduque Lone District Representative Lord Allan Jay Velasco.
Ang tatlong House Bills na may bilang na 7022, 7023 at 7024 ay naglalayong pangalagaan at mapabuti ang lugar na nabibilang sa ecotourism gaya ng munisipalidad ng Santa Cruz, Torrijos White Beach at Luzon Datum.
Ayon kay Velasco, layunin ng proyektong ito na mas gawing kaakit-akit ang mga destinasyon na ito na hindi nababago ang porma o anyo nito.
Sa presentasyon ni Velasco, ipinakita nito sa kapwa n’ya mga kongresista ang isang video na nagpapakita ng kagandahan ng Marinduque. Naipakita rin dito ang potensyal ng lalawigan upang maging isang nangungunang destinasyon ng turista.
Pagkatapos ay inaprubahan ng Komite sa Turismo ang mga panukalang batas na pinangungunahan ni Chairperson Rep. Lucy Torres Gomez.
Dagdag pa ng kongresista na ang mga proyekto sa ecotourism ay tiyak na tutugon sa pangangailangang sundin ang napapanatiling pag-unlad at ang proteksyon ng kapaligiran. –Marinduquenews.com