BOAC, Marinduque — Nakiisa sa isinagawang ‘Local Transport Summit’ na may temang ‘Maayos na Transportasyon, Maunlad na Nasyon’ ang nasa 300 drayber at operator ng mga tricycle na bumibiyahe sa mga barangay na sakop ng bayan ng Boac sa probinsya ng Marinduque.
Ayon kay Municipal Administrator Carlo Felizardo Jacinto na tumatayo ring chairperson ng Municipal Tricycle Regulations Board (MTRB), napakahalaga ng naturang gawain sapagkat napag-usapan ang mga pangunahing suliranin at isyung kinahaharap ng mga nasa sektor ng transportasyon.
“Tinalakay po natin dito ang kasalukuyang isyu at mga nakatakdang plano at programa para mapaunlad ang transportasyon sa ating bayan. Salamat po sa ating mga tricycle driver na nagtanong at nagbigay ng kanilang mungkahi para sa kalinawan ng lahat gayundin ang aking pasasalamat sa kanilang aktibong kooperasyon at determinasyon na makamit ang ating mga layunin,” pahayag ni Jacinto.
Sinabi rin ng pambayang administrador na makasaysayan ang nasabing asembleya sapagkat kanilang naging panauhin ang kinatawan ng 1 Rider Partylist sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na si Cong. Bonifacio Bosita na kilalang nagsusulong ng kapakakanan at kabutihan ng mga pasahero at motorista.
“Napakalaki po ng papel na ginagampanan ng transportasyon sa pag-usad ng ating ekonomiya gayundin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino. Isipin na lamang ninyo kung walang trucks, walang jeeps na pampasahero, walang tricycles, walang motorsiklo at iba pa, tunay po na mahihirapan tayong umusad kaya bilang inyong pinagkatiwalaan sa Kongreso ay pagtutuunan natin ng pansin ang road safety at rider’s continuous development,” wika ng kongresista.
Samantala, inimbitahan din ang mga opisyal ng Land Transportation Office upang magbigay ng impormasyon tungkol sa road safety awareness pati na rin ang mga kinatawan mula sa PhilHealth at Social Security System para sa mga insurance na maaaring makuha kung sakaling maging miyembro.
Nagkaroon din ng diskusyon para sa municipal traffic rules and regulations na pinangunahan ng Boac Municipal Police Station at Highway Patrol Group at sa pagtatapos ng programa ay ipinabatid sa mga tricycle operator and driver associations (TODA) ang mga gampanin at responsibilidad ng MTRB. — Marinduquenews.com