Binisita ni Gov. Carmencita Reyes ang mga centenarian o mga lolo at lola na umabot na sa isandaang taong gulang upang personal na ibigay sa mga ito ang karagdagang cash incentive mula sa pamahalaan.
Ang mga lola na nabiyayaan ng cash grant ay sina Rufina Mandalihan mula sa Mataas na Bayan ng Mogpog, Florentina Pedival ng barangay Baliis at Felicidad Pedrialva ng Bagong Silang, Santa Cruz gayundin si Ines Coloma mula naman sa barangay Poblacion, Torrijos.
Ayon sa panayam ng Marinduque News kay Alicia Tobilla, apo at tagapag-alaga ni Lola Rufina, nakatanggap sila ng karagdagang sampung libo mula sa pamahalaang panlalawigan. Una rito ay nakatanggap na rin sila ng Php100,000 mula sa national government at Php80,000 mula naman sa provincial government. Aniya, may kabuuang Php190,000 na ang natanggap ni Lola Rufina mula sa gobyerno.
“Nagpapasalamat po kami sa cash grant na ibinigay ng ating pamahalaan sa aming lola sapagkat malaki po ang naitutulong nito para sa mga pang-araw-araw niyang pangangailangan kagaya ng gamot, diaper at pagkain”, bahagi ng pahayag ni Tobilla.
Kasama sa mga namahagi ng cash incentive ay si Julpha Arevalo ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Read also: Insentibo para sa 6 Marinduquenong sentenaryo, naipamigay na
Ang pagbibigay ng karagdagang cash incentive ay base sa ordinansa ng lalawigan na halaw naman sa Republic Act No. 10868 o mas kilala sa tawag na Centenarians Act of 2016, na naglalayong mabigyan ng ayudang pinansyal at karagdagang tulong ang mga lolo at lola na umabot na sa edad na 100. Kung saan maliban sa Php100,000 na insentibo na magmumula sa pamahalaang nasyonal ay makatatanggap rin ang mga centenarians ng karagdagang insentibo na magmumula naman sa pamahalaang panlalawigan.
Photos courtesy of Marinduque Provincial Government