BOAC, Marinduque — Isang malagim na aksidente ang naganap sa kasagsagan ng Semana Santa sa Bayan ng Boac, Marinduque matapos mawalan ng preno ang isang pampasaherong jeep na bumangga sa puno ng mangga sa may bahagi ng national road sa Sitio Badbad, Brgy. Bantay, umaga ng Sabado, Abril 19.
Ayon sa ulat ng Boac Municipal Police Station (MPS), anim ang kumpirmadong nasawi habang 20 naman ang sugatan sa insidente. Kabilang sa mga nasugatan ang 8 kababaihan, apat na kalalakihan, at walong mga bata na may gulang na 3 hanggang 13, na agad na isinugod sa Marinduque Provincial Hospital para sa agarang lunas.
Samantala, ang mga nasawi ay kinilalang sina: Jayson Jinang, 20 anyos ng Brgy. Hinapulan; Joseph Jaqueca, 27 anyos, Renato Malimata, 16 anyos at Andrea Malimata, 81 anyos, pawang mga taga Brgy. Labo; Joan Mongoc, 36 anyos at isang Nestor Lazo.
Batay sa paunang imbestigasyon, minamaneho ng isang 39-anyos na lalaki ang naturang jeep bandang alas 10: 20 ng umaga nang bigla itong mawalan ng kontrol matapos umanong pumalya ang preno habang binabagtas ang pababang bahagi ng kalsada.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya, Bureau of Fire Protection, at mga volunteer emergency responders sa lugar ng aksidente. Isinasagawa na rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente at kung may pananagutan ang driver o may iba pang salik na kailangang pagtuunan ng pansin.
Nanawagan naman ang mga lokal na awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag sa lagay ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. — Marinduquenews.com