BOAC, Marinduque – Sama-samang nagkaisa ang 6,000 mag-aaral, propesor at kawani ng Marinduque State College (MSC) upang sabay-sabay na linisin ang pitong dalampasigan sa bayan ng Boac.
Bitbit ang mga sako at polybag, tulong-tulong silang nagkaisa na isilid ang mga basurang kanilang nakolekta mula sa mga baybayin ng barangay Laylay, Ihatub, Balaring, Caganhao, Amoingon, Bunganay at Cawit.
Matapos ang pangangalap ng basura, sama-sama namang naglakad ang mga nakiisa patungo sa barangay Balaring kung saan ay tinawag ito na “Unity Eco-Walk”. Dito nagkatipon-tipon ang mga mag-aaral at empleyado ng pamantasan kung saan isinagawa ang isang programa.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Ayon kay Dr. Merian C. Mani, pangulo ng MSC, naniniwala siya na hindi lamang sa loob ng silid-aralan natututo ang mga mag-aaral kundi naibibigay rin ang kaalaman sa labas ng eskwelahan kung saan makikita nila ang reyalidad ng pagsagip sa kalikasan.
Dagdag pa niya, mapanunumbalik muli ang sigla ng kalikasan sa pamamagitan ng mga munting paraan na kaya nilang gawin katulad ng kanilang proyektong “Love Affair with Mother Nature” na isinasagawa tuwing Pebrero 14 at “Munting Basura ay Ibulsa”.
Bukod pa rito ay nagkaroon din ng iba pang aktibidad ang paaralan gaya ng Tree Hugging at Bird Watching kung saan ang mga mag-aaral na may magandang kuha ng larawan ay nagkamit ng premyo mula sa Student Council.
Isinagawa ang coastal clean-up drive na ito bilang pakikiisa ng MSC sa International Earth Month Celebration. –Marinduquenews.com