BOAC, Marinduque – Nag-iwan ng matinding kapinsalaan lalo na sa sektor ng agrikultura ang bagyong Nina na may lakas na Signal no. 4 at nanalasa sa lalawigan ng Marinduque nitong Disyembre 26.
Ayon sa iniulat na datos mula sa Provincial Agriculture’s Office (PAO) – Marinduque sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Meeting na isinagawa kaninang umaga, tinatayang aabot sa 70 porsiyento o may kabuuang 641 ektaryang taniman ng palay ang sinira ng nagdaang bagyo samantalang halos 25 porsiyento naman ng rain-fed na palayan sa buong probinsya ang winasak nito. Sa huling ulat ng PAO ay hindi rin nakatakas sa hagupit ni Nina ang mga maisan, sagingan, gulayan at manggahan ng mga magsasaka. Inaalam pa rin sa kasalukuyan ang estimated cost of damages na idinulot ng mapaminsalang bagyo maging sa sektor ng koprahan.
Ayon naman sa partial report ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), aabot sa mahigit-kumulang na limang milyong piso (Php 5,000,000.00) ang halaga ng pinsala sa forest plantations na may gulang na lima-pababa at limang milyong piso (Php 5,000,000.00) din naman sa natural forest na may gulang na lima-pataas.
Bukod dito ay hindi rin nakaligtas ang mga kagamitan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng mga computer, printer at iba pa, na aabot sa Php 1,250, 000.00 ang halaga ng pinsala. Tinatayang apat na milyong piso (Php 4,000,000.00) naman ang nawala sa Marinduque Electric Cooperative (Marelco) nang putulin at patumbahin ng bagyo ang mga kable at poste ng kuryente na itinuturing na backbone line o supply ng kuryente sa mga pangunahing daan. Ayon kay Engr. Gaudencio Sol, General Manager ng Marelco, titiyakin nila na makakapagpadaloy muli ng kuryente sa mga backbone lines simula barangay Bantad kasama na rin ang Provincial Capitol sa tulong na rin ng 80-hired line man na makikiisa sa pagpapabalik ng daloy ng kuryente.
Mula naman sa Department of Education (DepEd), may 160 na silid-aralan ang naitalang naapektuhan ng lakas ni Nina kung saan 75 silid-aralan ang itinuturing na totally damaged at 85 naman ang partially damaged na nagkakahalaga ng Php 54, 110, 000.00 dulot ng pinsala ni Nina sa mga paaralan sa buong lalawigan.
Samantala, nakapagtala naman ang Department of Health Provincial Office, sa pag-momonitor ni G. Delbert Madrigal, ng 21 pasyente na dagliang naisugod sa malalapit na pagamutan mula sa bawat munisipalidad ng probinsya: Boac- 7; Buenavista- 3; Mogpog- 2; at Torrijos- 9.
Sa Disyembre 28, 2016, sa ganap na ika-9 ng umaga ay muling magkakaroon ng panibagong pagpupulong ang bawat kasapi ng PDRRMC para sa bagong datos mula sa bawat ahensya ng Marinduque.
Para sa karagdagang larawan ng ‘aftermath’ ng bagyong Nina, mangyaring tingnan dito.