BOAC, Marinduque — Nasa 75 na mga kababaihan mula sa bayan ng Boac, Gasan, Mogpog at Buenavista sa probinsya ng Marinduque ang nakinabang sa Livelihood Assistance Venture for Women (LAVW) ng pamahalaang panlalawigan.
Layon ng LAVW na makapagbigay ng loan assistance na may mababang interes sa mga organisadong grupo ng kababaihan na kulang o walang access sa bangko upang makahiram ng dagdag-puhunan para sa kanilang mga negosyo.
Sa pamamagitan ng programa ay tumanggap ng halagang P5,000 ang 30 benepisyaryo para sa kanilang inisyal na utang habang P10,000 ang ipinagkaloob sa 39 na kababaihan at P15,000 naman ang ibinigay sa anim na renewal beneficiaries.
Ayon kay Alma Timtiman, hepe ng Livelihood Manpower Development and Public Employment and Service Office (LMD-PESO), patuloy na maghahatid ng mga proyektong akma sa pangangailangan ng mga mamamayan ang lokal na gobyerno.
Ang LAVW ay isang programa na inilunsad ng Marinduque provincial government sa tulong ni Cong. Lord Allan Jay Velasco at tanggapan ng LMD-PESO na may hangaring makatulong sa mga kababaihan para magkaroon ng dagdag-puhunan sa negosyong kanilang uumpisahan. — Marinduquenews.com