DOLE naglaan ng 95M pondo para sa TUPAD program sa Marinduque

BOAC, MARINDUQUE — Sa ilalim ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ay naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P95 milyon na halaga para sa mga residente ng Marinduque.

Ayon sa DOLE, ito ang pinakamalaking pondo na naibigay ng kanilang tanggapan sa lalawigan dahil aabot sa 18,353 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay sa anim na munisipalidad ang makikinabang sa nasabing tulong.

Dagdag ng DOLE, hahatiin sa tatlong pangkat ang pagsasagawa ng proyekto. Ang unang grupo ay mula Enero 25 hanggang Pebrero 8. Samantalang ang ikalawang pangkat ay mula Pebrero 9 hanggang Pebrero 23 habang magsisimula naman sa Pebrero 24 hanggang Marso 10 ang huling pangkat na mabibigyan ng trabaho.

Ang mga mapipili o napiling benepisyaryo ay kinakailangang magtrabaho sa pamayanang kanilang nasasakupan sa loob ng 15 araw.

Pangunahing gagawin ng mga makukuha sa TUPAD ay ang paglilinis sa mga gilid ng kalsada o tabing aplaya at pag-aalis ng putik sa mga kanal.

Inaasahang sila ay tatanggap ng P4,800 na sweldo bilang kabayaran sa kanila ng pamahalaan.

Nagpaalala naman si Atty. Joffrey M. Suyao, regional director ng DOLE-Mimaropa na mahigpit nilang babantayan ang implementasyon ng programa sa probinsya.

Ang TUPAD ay emergency employment program ng DOLE na may layuning mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga indibiwal na lubos na naapektuhan ng pandemya o kalamidad at kabilang sa impormal na sektor o kaya ay displaced workers, underemployed, at seasonal workers. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!