Barangay COVID-19 operations center sa Marinduque, palalakasin

FILE PHOTO: Ang miyembro ng Gasan Municipal Police Station habang nagsasagawa ng barangay visitation sa Pangi, Gasan. (Larawan mula sa Gasan MPS)

BOAC, Marinduque — Pinaigting ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang gampanin ng mga opisyal ng barangay upang patuloy na malabanan ang lumalalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 20-2021 na nilagdaan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. noong Hunyo 4, inaatasan ang lokal na pamahalaan partikular ang mga municipal health officer (MHO) na bumuo ng Barangay COVID-19 Operations Center (BCOC) at Barangay Tanod Health Patrols (BTHP) na tatawaging Barangay Disiplina Brigade.

Pangunahing gampanin ng BCOC at BTHP na masigurong maging matagumpay ang implementasyon ng vaccination program sa 218 na barangay sa buong lalawigan.

Layunin din ng atas tagapagpaganap na matiyak na sinusunod ng mga mamamayan ang minimum health standards tulad ng palagiang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask sa tuwing lalabas ng bahay, pagpapanatili ng physical distancing at pagtalima sa community quarantine protocols.

Ayon kay Velasco, mayroon lamang na 16 na aktibong kaso sa probinsya noong Mayo 12 subalit bago matapos ang buwan ay pumalo sa 41 ang naitalang bagong aktibong kaso na karamihan ay local transmission dahilan para palakasin ang pwersa at tulong ng sangguniang barangay.

“Talaga pong delikado pa rin ang ating sitwasyon, hindi pa po kontrolado, kahit po tayo ay naghihigpit, kahit mayroon po tayong travel restrictions lalo na iyong mga galing sa ibang bansa, isama pa ang local transissions. Kaya hinihiling ko po ang kooperasyon ng lahat”, pahayag ng gobernador.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office ay pumalo na sa 502 ang kabuuang kaso ng corona virus disease 2019 sa buong Marinduque. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!