GASAN, Marinduque — Nagbigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga kagamitang pangisda sa 15 benepisyaryo mula sa bayan ng Gasan at bayan ng Mogpog, Marinduque.
Kabilang sa mga nabiyayaan ay ang dalawang mangingisda sa Brgy. Pangi, Gasan at 13 iba pa mula sa Brgy. Silangan at Brgy. Hinanggayon, Mogpog kung saan tatlo sa nabanggit na bilang ay mga magulang ng “profiled child laborer” o PCL.
Bawat isang benepisyaryo ay tumanggap ng tig-iisang yunit ng 16-horse power gasoline engine, 2 piraso ng 50-liter ice box cooler chest, 1 kilo ng nylon at 1 rolyo ng polyethylene rope na may kabuuang pondo na P530,340.
“Sobra-sobrang tulong po ito sa amin lalo’t higit sa aking asawang mangingisda. Ito po ay pinakamimithi-mithi namin. Pagpupursigihan naming makalaot para masuportahan ang aming gastusin sa araw-araw,” pahayag ni Lorna Dumarang, benepisyaryo mula sa Barangay Hinanggayon.
Nagpasalamat naman ang magulang ng isang batang manggagawa o profiled child laborer mula sa Barangay Pangi sapagkat napabilang ang kanilang pamilya sa napagkalooban ng nasabing mga kagamitan sa pangingisda.
“Labis-labis po ang aking pasasalamat dahil isa kami sa napili na mabigyan ng kagamitang panghanapbuhay ng DOLE. Ipagpapatuloy po namin ang aming pangingisda upang tuluy-tuloy na makapag-aral ang aming anak,” sabi ni Gina de Suyo.
Sa pagkakaroon ng mga bagong gamit pangisda sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), inaasahan ng ahensya na mapabuti ang buhay ng mga mangingisda at kanilang mga pamilya at magbubunga rin ito ng mas mataas na kita at magbibigay-daan para maitaguyod ang pangangailangan gayundin ang edukasyon ng kanilang mga anak. — Marinduquenews.com