2 lalaki, huli sa ilegal na droga sa Mogpog

MOGPOG, Marinduque — Huli ang dalawang lalaki matapos na magkasa ng anti-illegal drugs buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police (PNP) Maritime Group at Philippine Coast Guard sa Brgy. Ino, Mogpog, Marinduque kamakailan.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang PNP ng intelligence report tungkol sa dalawang indibidwal na umano’y nagbibiyahe ng ilegal na droga sakay ng MV Virgen De Peñafrancia VIII na naging dahilan para ikasa ang naturang operasyon.

Sa pamamagitan ng isang asset na nagpanggap na buyer, nagkasundo ito at ang mga suspek na magkita sa Brgy. Ino kung saan agad na kumilos ang mga awtoridad na nagresulta para madakip ang dalawang lalaki, isang 44-anyos, residente ng Quezon City at isang 42-anyos, naninirahan sa Brgy. Anak Dagat, Lemery, Batangas.

Narekober ng mga awtoridad ang iba’t ibang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P78,000.

Nasa kustodiya na ng Mogpog Municipal Police Station ang mga naarestong salarin na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!