BOAC, Marinduque — Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Mimaropa (RTWPB-Mimaropa) ang P35 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa rehiyon kung saan kabilang ang mga probinsya ng Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.
Ibig sabihin, simula sa Disyembre 23, ang bagong daily minimum wage na dapat ipatupad ng mga kumpanyang may higit sa sampung empleyado ay P430 mula sa dating P395 habang P404 mula sa dating P369 naman ang dapat ipasahod ng mga kumpanyang may empleyado na siyam pababa.
Samantala, tataas naman ng P1,000 ang sahod ng mga domestic worker. Ibig sabihin mula sa dating P5,500 na minimum wage rate ay magiging P6,500 kada buwan ang dapat ipasweldo sa mga kasambahay.
Matatandaang Disyembre noong nakaraang taon ang huling beses na nagkaroon ng wage increase order ang Mimaropa. — Marinduquenews.com