BALANGA CITY, Bataan — Nagkaroon ng pagpupulong ang Pusong Pinoy Party-list sa pamamagitan ni Cong. Jett Nisay kasama ang mga board of directors ng Philippine Red Cross Bataan Chapter, kamakailan.
Tinalakay sa nasabing meeting ang mga napagtagumpayan na mga programa at proyektong patuloy na isasagawa sa lalawigan ng Bataan kabilang ang blood services, health caravans, safety and disaster services, at iba pang serbisyong pangkalusugan mula sa Red Cross.
Pinag-usapan din sa pulong ang inilaan na P1 milyon na pondo mula sa Pusong Pinoy Party-list na para sa Blood Samaritan Program, isang inisyatibang pagbibigay ng libreng blood bags sa mga pasyenteng Bataeño na nangangailangan lalo na ang mga dialysis patients at naka-admit sa private hospitals kung saan ay umabot na sa P3 milyon ang pondo naipagkaloob simula noong taong 2023.
Samantala, lubos ang kagalakan ni Cong. Nisay na tumatayo ring Chairman of the Board ng Red Cross Bataan Chapter sapagkat muli n’yang nakasama ang mga kaibigan sa organisasyon gayundin ang mga board of directors na sina Isabel Garcia, Aurea Parbo, Adel Nuestro, Cynthia Balan, Aida Lopez, Niña Salvador, Orly Dela Peña, Architect Nick Rubiano, Engineer Edwin Zaldivar, Mario Suguitan, at Kapitan Joey De Leon.
“Patuloy naman ang ating pagsasagawa ng mga plano, programa, at serbisyo na ating ihahatid sa ating mga kababayan dahil sa Red Cross Bataan, kalusugan ng Pamilyang Bataeño ang ating prayoridad,” pahayag ni Cong. Nisay. — Marinduquenews.com