BOAC, Marinduque — Sa inaugural session ng ika-17 Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Marinduque na isinagawa nitong Biyernes, Hulyo 4 sa Capitol Car Park ay pormal na nanumpa bilang ex-officio member si Boac Councilor Mark Angelo Jinang.
Si Jinang na itinalagang interim provincial president ng Philippine Councilors League (PCL)-Marinduque Chapter ay pansamantalang uupo na miyembro ng SP hanggat hindi pa nagkakaroon ng eleksyon ang PCL sa probinsya.
“Sa harap ng bagong yugto ng panunungkulan, nawa’y magkaisa tayo sa iisang layunin — ang pagtataguyod ng mas maunlad, mas progresibo, at mas makatarungang Marinduque,” pahayag ni Jinang.
Pinalitan ni Jinang si Mogpog ex-councilor at dating PCL Marinduque Chapter president Jose Neryl Manggol na natapos ang termino nitong Hunyo 30.
Kasabay ng pagiging kinatawan ng lahat ng mga konsehal sa buong Marinduque sa Sangguniang Panlalawigan ay gagampanan din ni Jinang ang pagiging regular na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Boac.
“Sama-sama nating gawing realidad ang pagbabago. Makiisa, makilahok, at makipagkaisa para sa ating lalawigan,” wika pa ni Jinang.
Ang Philippine Councilors League o Liga ng mga Konsehal ng Pilipinas ay ang opisyal na organisasyon ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan o Sangguniang Panlungsod na may isang pwesto sa Sangguniang Panlalawigan at inaasahang magiging tagapagsulong ng mga pambayan o pangsiyudad na lehislatura upang epektibong matugunan ang mga pangangailangan at hamon ng kani-kanilang mga nasasakupan.
Samantala, sa mga lalawigang nagsasalita ng Tagalog, ang bokal ay isang di-pormal na katawagan na karaniwang ginagamit na pantukoy sa isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. — Marinduquenews.com