BOAC, Marinduque — Mas pinaigting ng Provincial Health Office (PHO) sa Marinduque ang kanilang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng dengue at maiwasan ang karagdagang pagkasawi, sa gitna ng biglaang pagtaas ng mga kaso nito simula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ipinahayag ni Dr. Gerardo Caballes, Provincial Health Officer ng PHO Marinduque na umakyat na sa 193 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan ngayong taon — halos doble mula sa 115 na kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2024. Mayroon na ring isang indibidwal na nasawi sa bayan ng Boac dahil sa dengue.
“Nakababahala ang ganitong sitwasyon,” ani Caballes, na binigyang-diin ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon at kooperasyon ng publiko sa mga hakbang pangkalusugan upang mapigil ang pagkalat ng sakit.
Bilang tugon, nagsagawa ng mas pinaigting na kampanya laban sa lamok ang anim na local government units (LGU) sa probinsya. Nagpadala naman ang Department of Health (DOH) ng mga fogging machine sa mga apektadong barangay upang mapababa ang populasyon ng lamok na Aedes aegypti — ang pangunahing tagapagkalat ng dengue.
Ipinatutupad na rin ng Provincial Health Office ang mahigpit na mga panuntunan upang matiyak na ang fogging ay naaayon lamang sa mga lugar na may aktwal na outbreak at kinakailangan.
“Isinasagawa lamang ang fogging sa mga lugar kung saan ito ay makatutulong para mapigil ang pagkalat ng mga lamok. Ang mga kemikal na ginagamit ay ligtas sa kapaligiran at hindi delikado sa mga residente,” paliwanag pa ni Caballes.
Kasabay nito, mas pinaigting din ng PHO ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang itaguyod ang 4S na estratehiya sa pag-iwas sa dengue; a) Search and destroy o pagtugis at pagsira ng mga pinamumugaran ng lamok; b) Self-protection o sariling pag-iingat; c) Seek early consultation o maagap na pagpapakonsulta sa doktor; at d) Say yes to fogging during outbreaks o pagsang-ayon sa fogging kapag may outbreak.
Nakikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa mga municipal health offices upang masubaybayan ang lumalalang kaso ng dengue sa mga barangay.
“Hinihikayat namin ang mga residente na makiisa sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga naipong tubig sa paligid ng bahay at agad na iulat ang anumang sintomas ng dengue,” dagdag ni Caballes.
Kabilang sa mga karaniwang babalang palatandaan ng dengue ay ang hindi gumagaling at mataas na lagnat, matinding pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pantal sa balat, pagdurugo ng ilong, pagsusuka, pananakit ng tiyan at hirap sa paghinga.
Nagbabala ang PHO na mahalagang maagapan sa pamamagitan ng maagang pagpapatingin sa doktor upang maiwasan ang malubhang komplikasyon at pagkamatay. Patuloy ring pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ang kakayahan ng mga pasilidad pangkalusugan upang matugunan ang pagdami ng mga pasyente sa gitna ng outbreak. — Marinduquenews.com