Kapasidad ng kuryente na ibinibigay ng Napocor, kulang sa pangangailangan ng Marinduque

BOAC, Marinduque — Kulang ang kapasidad ng kuryente na ibinibigay ng National Power Corporation (Napocor) sa Marinduque Electric Cooperative (Marelco) dahilan para maranasan ang maagang Pasko sa tinaguriang puso ng Pilipinas.

Ayon sa pinakahuling update ng Napocor sa Marelco, sa kasalukuyan ang kapasidad ng Napocor ay 14.30 megawatts lamang habang ang pangangailangan ng probinsya ay 15.00 megawatts.

Ibig sabihin kulang nang nasa .70 megawatt ang kapasidad ng kuryente kontra sa demand ng lalawigan.

Sa Facebook post ng pangulo ng Board of Directors ng Marelco na si Christopher Morales, sinabi n’ya na dumating na sa Marinduque nitong Lunes, Hulyo 28 ang nirentahang PIECO generator na inaasahang makapagdaragdag ng dalawang megawatts.

“Ito na nga po — mas mainit pa sa bagong timpla ng kape! Dumating na ang ating karagdagang 2 megawatts (MW) na genset rental PIECO para masigurado ang tuloy-tuloy na serbisyo at operasyon. Isang hakbang na naman ito patungo sa mas maaasahang power support para sa ating lalawigan,” pahayag ni Morales.

“Sa kasalukuyang panahon at tagal ng pagseserbisyo ng dalawang organisasyon sa Marinduque, dapat sana ay mayroon ng extra na generator set para awtomatikong may reserba oras na magkaroon ng deperensya ang sira-sirang makina ng Napocor,” komento naman ng isang member-consumer.

Ang Napocor ang nag-iisang provider ng elektrisidad sa Marinduque kung saan ito ay binibili ng Marelco na tumatayong distributor o tagapaghatid ng kuryente para may magamit ang bawat kabahayan at opisina sa probinsya. — Marinduquenews.com