Mga pamilyang apektado ng Bagyong Opong sa Buenavista, tumanggap ng ayuda mula DSWD

BUENAVISTA, Marinduque — Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na makapaghatid ng tulong sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Opong, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa, sa pamamagitan ng Quick Response Team (QRT), ng pagsusuri at beripikasyon sa mga open evacuation center sa Barangay Bagtingon at Barangay Caigangan, Buenavista, Marinduque.

Kasabay nito, namahagi rin ang ahensya ng 500 family food packs (FFPs) sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Opong sa naturang mga lugar. Ang pamamahagi ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan ng DSWD sa Pamahalaang Bayan ng Buenavista, sa pangunguna ni Social Welfare and Development (SWAD) Team Leader Helen Alcoba.

Tiniyak ng DSWD na patuloy silang makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang maihatid ang mabilis at angkop na tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan. — Marinduquenews.com