BOAC, Marinduque – Nagbalik na ang kuryente sa apat na bayan sa Marinduque dahil sa mga naisayos na service drop wires sa mga nasabing lugar, sa pakikipagtulungan ng Task Force Kapatid mula Central at Southern Luzon.
Binubuo ang Task Force Kapatid ng Pampanga Electric Cooperative I (PELCO I), Pampanga Electric Cooperative II (PELCO II), Tarlac Electric Cooperative I (TARELCO I), Tarlac Electric Cooperative II (TARELCO II), Batangas Electric Cooperative I (BATELCE I), Batangas Electric Cooperative II (BATELEC II) at Romblon Electric Cooperative (ROMELCO).
Ayon sa huling post na larawan ng Marinduque Electric Cooperative (MARELCO) sa kanilang official facebook page, 43 barangay sa 218 barangay o 7, 278 sa 48, 732 na mga kabahayan na nadadaanan ng backbone lines sa buong probinsya ang muling naisabalik na ang daloy ng kuryente dahil sa patuloy na rehabilitation na isinasagawa.
Sa ngayon, ang mga bayan pa lamang ng Boac, Mogpog, Gasan at Buenavista ang may supply na ng kuryente maging ang mga kilalang establisyemento ng bawat munisipalidad.
Ayon sa Marelco, nakatakdang ayusin ngayon ng Electric Cooperatives mula sa Central Luzon ang bayan ng Sta. Cruz. Ang Romelco naman ay sa Torrijos magkukumpuni ng mga nasirang service drop wires na inaasahang mapapailawan na rin pagkatapos ang dalawang araw. Samantala, ang BATELEC I naman ay nakatalagang magsaayos ng linya ng kuryente sa Riverside, Boac, at sa Balanacan, Mogpog naman ang BATELEC II.
Dagdag pa ng Marelco, tinatayang mapapanumbalik muli ang tamang supply ng kuryente sa buong Marinduque bago magtapos ang buwan ng Enero.