BOAC, Marinduque – Opisyal ng nanumpa ngayong araw, Enero 8, bilang bagong gobernador ng Marinduque si Dr. Romulo Bacorro, Jr.
Isinagawa ang oath taking sa provincial capitol sa bayan ng Boac alas 11:00 ng umaga sa pangunguna ni Marinduque Lone District Representative Lord Allan Jay Velasco.
Pinalitan ni Bacorro si Ex Gov. Carmencita Reyes matapos pumanaw nitong Lunes dahil sa ‘stomach aneurysm’.
Bagama’t nagdadalamhati ay nakiusap si Bacorro sa mga kawani ng kapitolyo lalo’t higit sa pinuno ng mga departamento na tulungan ito sa pagpapatakbo ng lalawigan.
“Malungkot po ako kasi ninang ko po si nanay. Hindi po talaga ako handa kasi biglaan ito. Sana po sa transition period, sa lahat ng departent head, ako po ay nakikiusap sa inyo, sana ay tulungan po ninyo ako kasi maliit po, maikli po ‘yong limang buwan, hindi ko po kakakayanin ito kapag wala kayo”, bahagi ng pahayag ni Bacorro.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang bise gobernador ang nakatalagang humalili sa gobernador kapag nagbitiw o namatay ang huli. -Marinduquenews.com