BANTON, Romblon – Aabot sa labing-isang mangingisda mula Gasan, Marinduque ang naaresto ng mga tauhan ng Banton Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Senior Inspector Chisi Faderagao matapos mahuling iligal na nangingisda sa bayan ng Banton.
Unang naaresto ng pulisya ang grupo nina Aldrin Rollogue, 24; Jeremie Guevara, 39; Armando Oliquiano, 31; at Jayson Guevara, 33, sa bahagi ng karagatang sakop ng Dos Hermanas Island.
Nahuli ang apat na gumagamit ng compressor habang nangingisda sa nasabing isla.
Ayon sa pulisya, bawal ito sa bisa ng Municipal Ordinance 1 Series of 2011 o mas kilalang Comprehensive Municipal Fisheries and Envronmental Code of Banton, Romblon.
Sunod na naaresto sa parehong isla sina Billy Sulado, 37; Jayson Sulado, 34; Jay-r Mascarinas, 31; Joan Mandac, 46; Jerwin Mandac, 28; Mark Mascarinas, 26; at Venus Mandac, 21.
Nakuha sa kanila ang mga nahuling isda, at gamit na bangka.
Pinagmumulta ang mga suspek bago palayain ng Banton Municipal Police Station.
This story was written by Paul Jaysent Fos first published on Romblon News Network, “11-illegal-fishers-arrested-by-police-in-banton”
Photo Courtesy: Banton Municipal Police Station