BOAC, Marinduque – Pinulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque, sa pangunguna ng Provincial Tourism Office (PTO) ang mga may-ari at kinatawan ng accomodation facilities sa Marinduque kamakailan upang pag-usapan ang mga panuntunan sa muling pagbubukas ng mga hotels at iba pang accomodation establishments sa lalawigan o lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ang mga nasabing panuntunan ay base sa mga probisyong nakapaloob sa Joint Administrative Order No. 2020-001 na inilabas ng Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) o ang ‘Guidelines on the Operation of Accomodation Establishments as Quarantine Facilities for OFW’s Under Republic Act No. 11469’ gayundin ang ‘Health and Safety Guidelines for Accomodation Establishments Under the New Normal’ na inilabas naman ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay Provincial Tourism Officer Gerry Jamilla, mahalagang mapag-usapan ang mga polisiya na inilabas ng pamahalaan upang masiguro na ligtas ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga turista kung sakali man na pahintulutan na muling magbukas ang mga nabanggit na establisyemento.
“Dapat mag-comply ang mga hotels at accomodation establishments sa mga panukalang pangkaligtasan na inilatag ng nasyunal at lokal na pamahalaan, ” pahayag ni Jamilla.
Aniya, kailangan munang kumuha ng Probationary Accreditation Certificate at Authority to Operate sa DOT ang mga accomodation establishments bago sila mag-apply ng Permit to Operate sa mga munisipalidad na nakasasakop sa kanilang mga establisyemento.
Sa kasalukuyan ay dalawang hotel pa lamang sa buong Marinduque ang nabigyan ng pahintulot na muling makapagbukas at makapagsimula ng operasyon. Ito ay ang Luxur Hotel sa Gasan at Balar Hotel and Spa sa bayan ng Boac.
Samantala, nananawagan si Gov. Presbitero Velasco, Jr. sa mga residenteng hindi naman magtatagal ang ipamamalagi o magbabakasyon lamang sa probinsya na ipagpaliban muna ang pag-uwi sapagkat puno na ang isolation facilities sa lalawigan. – Marinduquenews.com