Anibersaryo ng JPSPA, matagumpay na isinagawa sa MSC

BOAC, Marinduque – Nitong nakaraang Huwebes, Agosto 30, 2018, kasabay ng pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay matagumpay na naisakatuparan ang ika-4 na anibersaryo ng Junior Philippine Society of Public Administration (JPSPA) ng Marinduque State College (MSC) na may temang “Empowering Future Leaders: Advance Kami Mag-isip.”

Sa panimula ay nagkaroon ng ‘Flash Mob’ ang mga piling estudyante ng Public Administration, matapos nito ay nagsagawa naman ng maikling parada sa loob ng kampus ng MSC Boac. Bilang pormal na pagbubukas ng opisyal na programa nagbigay ng pambungad na pananalita si Generoso E. Udanga, dekano ng School of Business and Management at sinundan naman ito ng isang mapanghamong mga pananalita mula sa pangulo ng MSC na si Dr. Merian P. Catajay-Mani.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay dumalo sa programa ang buong pwersa ng pamunuan ng MSC sa pangunguna ni Dr. Mani, kasama sina Dr. Verna Liza L. Capiña, Dr. Diosado P. Zulueta, at Dr. Ma. Edelwina M. Blase.

Naging panauhing pandangal at tagapagsalita sa natatanging okasyon ang kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers na si Cong. France L. Castro na una nang hinandugan ng tradisyunal na “putong” ng mga estudyante at guro ng nasabing kolehiyo. Nanumpa din sa harap ni Castro ang mga bagong halal na lider-estudyante ng JPSPA.

Samantala, hindi matawaran ang kasayahan ng mga miyembro ng JPSPA sa kanilang Food Festival, Hugot Singing Contest at ang inabangang Search for Mr. and Ms. JPSPA kung saan naging mga hurado sina Bise Gobernador Romulo Aguinaldo Bacorro Jr., Dr. Romulo H. Malvar, Ken Mark Palatino, Katrina Evangelista, Bokal John Pelaez at Paul John Bugarin.

Tumayo namang tagapagtaguyod ng mga parangal sa nasabing gawain ang Smart Communications Inc., at Ever Belena. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!