Bagong gusali ng Prov’l Agriculture Office sa Marinduque, pinasinayaan

BOAC, Marinduque — Pormal ng pinasinayaan ang bagong gusali ng Tanggapan ng Panlalawigang Pansakahan sa Marinduque kamakailan.

Ayon kay Armando Pedrigal, provicial agriculture officer, ang bagong pasilidad na may tatlong palapag ay matatagpuan sa Barangay Bangbangalon, Boac.

Aniya sa unang palapag ay matatagpuan ang Farmers Information Technology Services, corn miller at rice husker facilities gayundin ang parking space.

Sa ikalawang palapag naman naka-pwesto ang administration offices habang magsisilbing multi-purpose hall at training center ang ikatlong palapag nito.

Paliwanag ng hepe ng panlalawigang pansakahan, ang naturang gusali ay pinondohan sa ilalim ng Provincial General Fund kung saan ang first phase nito ay nagkakahalaga ng P15 milyon samantalang ang second phase ay may nakalaang pondo na P11 milyon.

“Kami po ay lubos na nasisiyahan sapagkat nagkaroon kami ng bagong opisina kung saan ay mapagsisilbihan natin ng maayos ang ating mga kababayang magsasaka,” pahayag ni Pedrigal.

Dumalo sa blessing, turn-over at inagurasyon sina House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr., Provincial Administrator Vincent Michael Velasco at Santa Cruz Mayor Antonio Uy, Jr. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!