BOAC, Marinduque — Napakikinabangan na ng mga residente ang bagong gawang multi-purpose building (MPB) sa Barangay Bangbangalon sa bayan ng Boac, Marinduque.
Ito ay matapos bendisyunan at pormal na pasinayaan ang nasabing istruktura na pinangunahan ni Cong. Lord Allan Jay Velasco kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at sangguniang barangay.
“Katuwang ang DPWH, isa na namang bagong MPB ang ating pinasinayaan dahil hangad natin na ang lahat ng barangay sa Marinduque ay may sariling multi-purpose building. Lalagyan din natin ito ng basketball board at gamit para sa table tennis,” wika ni Velasco.
Nagpasalamat naman si Kapitan Delio Buenaventura ng Barangay Bangbangalon dahil may magagamit na aniya na konkretong bahay nayon ang kanilang pamayanan lalo na sa mga pagkakataong may mga pagtitipon o gawain sa komunidad.
Base sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Marinduque Engineering Office, nasa P6,787,760.15 ang halaga ng pondong inilaan dito ng gobyerno sa ilalim ng Regular Infrastructure General Appropriations Act of 2022 kung saan ay ang RR Ella Construction Services ang kontraktor ng proyekto. — Marinduquenews.com