Bagong tanggapan ng PENRO Marinduque, pinasinayanan

BOAC, Marinduque – Opisyal nang binuksan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO)-Marinduque ang bagong gusaling opisina ng pamahalaan sa Capitol Compound, Bangbangalon, Boac.

Bukod kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Imelda M. Diaz, nakiisa rin sa ribbon-cutting ceremony ang ilan sa matataas na opisyal ng lalawigan. Magkasamang dumalo sa pagdiriwang na ito sina Cong. Lord Allan Q. Velasco at Gov. Carmencita O. Reyes. Maging si Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA Assistant Regional Director for Technical Services Vicente B. Tuddao, Jr. at iba pang mga department head ay dumalo rin sa seremonya na sinundan ng pagpapasinaya sa marker ng bagong tayong gusali.

Nagkaroon din ng misa sa loob opisina na pinangunahan ni Bishop Marcelino Antonio M. Maralit at sinundan ng pagbabasbas nito.

Ang itinayong gusaling ito ay may dalawang palapag na kung saan ay kasalukuyan nang ginagamit ng ibang kawani ng PENRO mula sa technical services. Sila ang katuwang ni Diaz sa pagsasagawa ng maalituntunin na serbisyo at pagsusuri ng mga proyekto at programa ng PENRO sa buong lalawigan.

Nagagalak naman si Diaz dahil sa pagkakasatuparan ng kanilang hangarin na magkaroon ng ligtas, malinis at kaaya-ayang tanggapan upang makapagbigay ng mahusay at dekalidad na serbisyo sa bayan.

Sa kasalukuyan ay inaasahan naman ng kagawaran na matatapos ang pagsasaayos ng ikalawang palapag sa susunod na taon. -Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!